Paggawa ng kaaya‑aya at komportableng tuluyan
Mga Katangi-tanging Feature
Maglaan ng lugar para sa mga gamit ng mga bisita para maiparamdam sa kanila na malugod silang tinatanggap
Magdagdag ng maliliit na detalye gaya ng mga bulaklak at charger ng phone
Maglaan ng mga ekstrang tuwalya, toilet paper, at pangunahing hinahanap gaya ng kape at tsaa
Anumang uri ng tuluyan ang ipinapagamit mo sa Airbnb, may ilang simpleng bagay kang puwedeng gawin para matiyak na kaaya-aya at komportable ito habang naghahanda ka para sa pagtanggap ng mga una mong bisita.
Pag-isipan nang mabuti ang disenyo
Maaaring maging mas komportable at kaaya-aya ang patuluyan mo kapag pinag‑isipan ang disenyo nito. Hindi rin kailangang komplikado o mahal ang mga detalye.
Narito ang ilang tip para sa disenyong pinag‑isipan nang mabuti:
- Magtampok ng mga bagay na nagpapakilala sa iyo, gaya ng mga alaala mula sa mga biyahe mo
- Iwasan ang masyadong maraming bakanteng espasyo dahil maaari nitong maiparating na wala kang interes at malayo ang loob mo
- Pumili ng pangkat ng mga kulay at iayon dito ang mga obra ng sining, tela, at iba pang detalye
- Pag‑isipang maglagay ng kapansin‑pansing gamit, gaya ng kakaibang pailaw o malaki at komportableng upuan
- Maglagay ng mga dekorasyong halaman o bulaklak para mas mapasigla ang paligid
Mag-stock ng mga kailangan
Dapat kang maglaan ng kahit man lang toilet paper, sabon, isang tuwalya at isang unan kada bisita, at mga linen para sa bawat higaan ng bisita.
Karaniwang ikinakatuwa rin ng mga bisita ang:
- Mga ekstrang tuwalya, kumot, at unan
- Shampoo at conditioner
- Hair dryer
- Mga pangunahing hinahanap gaya ng kape, tsaa, at takure
- Mga pangunahing kagamitang panlinis
Maghanda ng komportableng kuwarto
Sa kuwarto matutulog ang iyong mga bisita at doon din nila itatabi ang kanilang mga gamit kaya mahalagang tiyaking komportable ito. Isipin kung ano ang maaaring makatulong sa iyo na maging komportable sa tuluyan ng ibang tao.
Halimbawa, puwede kang:
- Maglaan ng espasyo para sa mga personal na gamit gaya ng tokador na may mga bakanteng drawer, aparador na may mga hanger, o lagayan ng bagahe
- Maghanda ng mesa sa tabi ng higaan na may lamp para may mapaglagyan ang mga bisita ng salamin, phone, o libro malapit sa higaan
- Maglaan ng magandang kutson, mga ekstrang unan, at malalambot na kumot para sa mga bisitang maaaring iba-iba ang kailangan bago maging komportable
- Maglagay ng mga halaman, salamin, pitsel at baso para sa tubig, internasyonal na power adapter, at charger para sa iba't ibang phone para maging kaaya-aya ang kuwarto
Magdagdag ng mga huling detalye sa pagpapaganda
Matutulungan mo ang mga bisita na masiyahan sa kanilang pamamalagi sa pamamagitan ng paggawa ng ilan pang bagay na akma sa mahusay mong hospitalidad.
1. Tanggalin ang kalat. Kung nakatira ka sa tutuluyan ng mga bisita, mahalagang pag‑isipan ang mga bagay na dapat iwan sa labas o itabi. Makakatulong ang mahusay na pagtatanggal at pagtatabi ng mga gamit mo para gawing mas maaliwalas at kaakit‑akit ang patuluyan mo.
2. Magbigay ng mga tagubilin. Tulungan ang mga bisita na maunawaan kung paano gamitin ang lahat ng kasangkapan at feature (tulad ng gas fireplace, air conditioning, o pinto ng garahe) na magagamit nila. Puwede mong ilagay ang mga tagubiling ito sa manwal ng tuluyan mo.
3. Mamalagi nang magdamag. Kapag namalagi ka nang magdamag sa patuluyan mo paminsan‑minsan, mas madali mong matutukoy kung ano ang kulang o kailangang ayusin. Mukha bang maaliwalas at kaaya‑aya ang tuluyan? Kumpleto ba ang lahat ng kailangan para maging komportable na parang nasa sariling tahanan? Ayusin ang mga bagay‑bagay hanggang sa maging “oo” na ang sagot mo sa mga tanong na ito.
4. Tiyaking malinis ang lahat. Ikaw man ang naglilinis sa patuluyan mo o kumukuha ka ng propesyonal, mahalagang panatilihing malinis ang patuluyan at sundin ang proseso ng paglilinis na binubuo ng limang hakbang bago at pagkatapos mamalagi ang bawat bisita. Puwede kang magdagdag ng bayarin sa paglilinis para masagot ang ginugugol mong panahon o mabayaran ang tagalinis mo. Para matulungan ka sa paghahanda ng patuluyan mo para sa mga bisita, gumawa kami ng checklist na puwede mong gamitin.
Mga Katangi-tanging Feature
Maglaan ng lugar para sa mga gamit ng mga bisita para maiparamdam sa kanila na malugod silang tinatanggap
Magdagdag ng maliliit na detalye gaya ng mga bulaklak at charger ng phone
Maglaan ng mga ekstrang tuwalya, toilet paper, at pangunahing hinahanap gaya ng kape at tsaa