Maglinis na parang propesyonal gamit ang mga tip na ito mula sa eksperto

Siguraduhing malinis ang patuluyan mo sa pamamagitan ng mga naaangkop na tool at routine.
Ni Airbnb noong Peb 26, 2024
4 na minutong pagbabasa
Na-update noong Peb 26, 2024
Maglinis na parang propesyonal gamit ang mga tip na ito mula sa eksperto
Pagtutok sa pinakamaliliit na detalye
Maglinis na parang propesyonal gamit ang mga tip na ito mula sa eksperto

Mahalagang bahagi ng pagho‑host na binibigyan ng limang star ang paglilinis tuwing may umaalis at dumarating na bisita. Kakulangan sa kalinisan ang isa sa mga pinakakaraniwang dahilan kung bakit hindi mabigyan ng mga bisita ang mga host ng limang star.

Huwag hayaang mabahiran ng alikabok, mantsa, o amoy ang hospitalidad mong napakahusay na sana. Subukan ang mga tip na ito mula sa propesyonal na tagalinis na si Diana Cruz. Naglilinis sila ng asawa niya sa maraming property para sa mga host na may mga listing sa Airbnb sa timog‑kanlurang Florida.

Gamitin ang mga naaangkop na kasangkapan at gamit

Maghanda nang mabuti para mas mapadali mo ang mga gawain sa paglilinis. Suportado si Diana ng mga flexible na gamit na gaya ng mga ito:

  • Pangmaraming gamit na mop na may microfiber at pangkuskos na ulo para sa pagkukuskos ng mga sahig at pagpapagpag ng mga sulok na mahirap maabot
  • May hating timbang pang‑mop para maihiwalay ang tubig na may sabon sa tubig na pambanlaw
  • Vacuum na may iba't ibang ulo para sa mga carpet at litak, gaya ng gasgas dahil sa sliding door
  • Kinakabit na shower hose para sa pagbabanlaw ng lababo, tub, o shower na wala nito
  • Pangmaraming gamit na pangkayod ng salamin para sa mga lutuan at pinto o stall ng shower
  • Mga hindi nakakalasong likidong panlinis para sa pag‑aalis ng mga mantsa, latak ng sabon, at sebo sa kusina
  • Mga hindi nakakagasgas na sponge para sa pag‑aalis ng mga mantsang naiwan ng tubig sa mga stainless steel na gamit
  • Mga dryer ball para sa pagbabawas ng himulmol at buhok na dumidikit sa nilabhan
  • Lint roller na puwedeng gamitin ulit para sa pag‑aalis ng balahibo ng alagang hayop at buhok sa muwebles na nakabalot ng tela

Masusulit mo ang oras mo kapag organisado ka. Itabi ang lahat ng panlinis mo nang magkakasama, gaya sa nabibitbit na caddy o naka‑lock na tokador ng may‑ari, at regular na palitan ang mga nauubos na gamit.

Palawakin ang routine sa paglilinis mo

Ayon kay Diana, mahalagang gumawa ng higit sa pangunahing kailangan kung gusto mong makatanggap ng limang star mula sa mga bisita. Inirerekomenda niya ang pagbuo ng routine at paggamit ng checklist para wala kang malimutan.

Palaging nagsisimula si Diana sa pag‑aalis sa mga sapin ng higaan at iba pang linen. “Mas magandang may ekstrang set ng malilinis na sapin at tuwalya para sa mga araw na magkasunod ang pag‑alis at pagdating ng mga bisita,” sabi niya. “Mabagal matuyo ang malalaki at malalambot na tuwalya, at matatagalan ka dahil sa mga iyon.”

Sinisiguro niyang natatanggalan ng dumi, mantsa, at buhok ang mga bahaging karaniwang napapalampas, gaya ng:

  • Ilalim ng mga higaan. Silipin ang ilalim ng bawat higaan at alisin ang anumang alikabok o gamit na naiwan.
  • Loob ng mga drawer. Buksan ang bawat drawer at alisin ang anumang kalat sa loob.
  • Mga pinto ng kabinet. Punasan ang harap at gilid ng mga pinto.
  • Mga kasangkapan sa bahay. Linisin ang anumang bahid, butil, o tapon sa toaster, coffee maker, microwave, at refrigerator.
  • Dekorasyon sa loob. Pagpagan ang lahat ng ibabaw, kabilang ang mga estante, blinds ng bintana, at halaman sa loob ng bahay.
  • Mga lugar sa labas. Walisan ang mga pasukan at patyo para maalis ang mga dumi, dahon, at sapot.

Kapag tapos ka na, siyasatin ang ginawa mo. Kabilang dito ang pagsisiyasat sa mga nilabhan at hinugasan habang inilalabas mo ang mga iyon sa dryer o dishwasher.

Mag‑iskedyul ng mas masusing paglilinis kada dalawa o tatlong buwan para magawa ang mga trabahong hindi mo napaglalaanan ng panahon kapag sunod‑sunod ang pamamalagi ng mga bisita.

Gumamit ng sariwang hangin at pabangong hindi kapansin‑pansin

Iba‑iba ang pang‑amoy ng mga tao. May matatapang na amoy na puwedeng makadismaya ng mga bisita. Ayon kay Diana, kadalasang hindi umuubra ang paggamit ng bleach, air freshener, o iba pang kemikal para matakpan ang mga amoy.

Iminumungkahi ni Diana na:

  • Buksan ang mga bintana habang nagtatrabaho ka, depende sa lagay ng panahon.
  • Hayaang may nakabukas na air purifier sa loob ng dalawa o tatlong oras para makatulong na mapahupa ang matatapang na amoy.
  • Mag‑spray ng banayad at maraming gamit na pandisimpekta na hinaluan mo ng tubig sa tela ng mga sofa, kurtina, at carpet.

“Sinusubukan kong gumamit hangga't maaari ng mga plant‑based na panlinis na hindi masyadong matapang,” sabi ni Diana. “Mas mahal pero sulit pagkagastusan ang mga iyon. Marami na ang nagsabing ang linis ng amoy ng patuluyan ko.”

Gumawa ng mga makakapagpabilib na karagdagan bilang panapos

Puwedeng tumatak sa mga bisita ang mga karagdagang detalye. Inirerekomenda ni Diana na gumawa ng tatlong huling bagay para maganda ang tumatak sa mga bisita sa umpisa pa lang.

  • Punuin muli ang mga amenidad. Kasama rito ang sabong panghugas ng pinggan, sabon sa kamay, body wash, shampoo, at conditioner. Kung may ibinibigay kang dapat itapon pagkagamit, gaya ng pampinggang sponge, mag‑iwan ng bago at nakabalot pa.
  • Ligpitin ang mga gamit sa bahay. Iayos ang mga remote control, throw pillow, at ang mga nakalagay sa mga drawer at kabinet, gaya ng hair dryer o kaldero at kawali.
  • Tupiin ang mga puwedeng tupiin para maging simpleng dekorasyon. Tupiin ang mga gilid ng toilet paper at paper towel para mapatulis ang mga iyon, gaya ng ginagawa sa magagandang hotel.

“Ginagandahan ko ang tupi kahit sa mga supot ng basura,” sabi ni Diana. “Napapansin ng mga bisita ang maliliit na detalye—patunay ang mga iyon na may taong gumagawa sa lahat.”

Pag‑isipang magdagdag ng co‑host o tagalinis para matulungan kang matugunan ang mga target mo sa paglilinis. Kapag may dagdag na suporta, mas dadali ang pag‑aasikaso sa mga umaalis at dumarating na bisita at mas masisiguro mong mabibigyan ang mga bisita ng magandang karanasan.

Wala sa larawan si Diana Cruz at ang asawa niya.

Posibleng nagbago ang impormasyong nakasaad sa artikulong ito mula noong na‑publish ito.

Maglinis na parang propesyonal gamit ang mga tip na ito mula sa eksperto
Pagtutok sa pinakamaliliit na detalye
Maglinis na parang propesyonal gamit ang mga tip na ito mula sa eksperto
Airbnb
Peb 26, 2024
Nakatulong ba ito?