Paano palakihin ang iyong negosyo sa pamamagitan ng mga Karanasan
Mga lutong-bahay na almusal, tour nang naglalakad, aktibidad sa kapitbahayan, at iba pa—Gagawin ng mga Superhost ang higit pa sa hinihingi o inaasahan para ipadama sa mga bisita na tanggap sila. Sa katunayan, mga 30%* ng mga Airbnb host ng mga tuluyan ang nag-alok ng mga tour at aktibidad sa mga bisita. At ginawa pa ngang opisyal ng ilang mga host ang mga iniaalok na ito sa pamamagitan ng Mga Karanasan.
Kuning halimbawa ang mga Superhost na sina Patricia Ramos at Oscar Fernandez, na isa sa mga unang host ng Karanasan sa Cuba. Nagsimula bilang mga host ng tuluyan ang mag-asawa, na parehong propesor ng economics sa University of Havana. Ngayon, nagho-host din sila ng apat na Karanasan: isang dalawang araw na paglalakbay sa kultura ng Havana at mga lugar sa kanayunan; isang kalahating araw na tour nang naglalakad sa awtentikong Havana; isang buong araw na pamamasyal sa kabukiran ng Cuba para magtanim ng kape, mag-alaga ng mga hayop, at mamuhay sa bukid; pati na ang dalawang oras na pag-uusap tungkol sa ekonomiya at lipunan ng Cuba habang umiinom ng mga Cuba Libre o anumang inuming gusto mo. Dagdag pa rito, "hinimok namin ang aming mga kaibigan na mag-host ng 15 iba pang Karanasan," sabi ni Oscar.
Napag-usapan namin nina Patricia at Oscar ang tungkol sa kung paano nila dinala sa susunod na antas ang kanilang pagiging negosyante.
Paano ninyo sinimulan ang mga Karanasan?
Oscar: "Nakakasama namin nang dalawang oras ang bawat bisita sa panahon ng bawat pag-check in dahil gusto naming sabihin sa kanila ang lahat ng nalalaman namin tungkol sa Cuba. At nasiyahan kami nang husto dahil pakiramdam namin na para kaming mga propesor, na may kasama lang na naiibang estudyante."
Patricia: "Pagkatapos, nagsimulang magbigay ng review ang mga tao sa amin at magsulat tungkol sa [aming mga impromptu tour]. Kaya't noong ilunsad ng Airbnb ang mga Karanasan sa Cuba, naisip namin, ‘Bakit hindi tayo gumawa ng Karanasan tulad ng ginagawa na natin sa pag-check in?’”
Ikuwento sa amin ang iyong unang Karanasan, Ang Paglalakbay sa Cuba at Pagiging Cuban. Ano ang ipinagkaiba nito?
Patricia: "Madalas na inaasahan ng mga internasyonal na panauhin na pumupunta sa Cuba ang makarinig ng tungkol sa tabako, rum, at musikang salsa. Pero higit pa ang gusto naming maipakita sa mga bisita: tulad ng sistema ng edukasyon, sistema ng pangkalusugan, at mga merkado; at kung paano nabubuhay ang mga tao sa ganoong kababang mga suweldo. Nagsasagawa kami ng tour nang naglalakad sa palibot ng lungsod, at ipinapakita sa kanila ang mga lugar na hindi para sa mga turista, tulad ng Coppelia, na kaharian ng ice cream. Mga 25 cents sa USD ang bayad para sa limang scoop ng ice cream. May 30 minutong paghihintay, at nakikisalamuha ang mga tao at nagpupulong pa nga ang iba habang naghihintay sa pila—isa itong sulyap ng lipunan ng Cuba. Pinasasakay rin namin ang aming mga bisita sa pampublikong transportasyon, na hindi talagang karaniwan [para sa mga turista]. Sa pagtatapos ng araw, pakiramdam nila ay para bang may napakalaking bagay silang nagawa at magagawa na nilang magsalita tungkol sa kung paano talaga namumuhay ang mga Cuban sa isang sosyalistang lipunan."
Ano ang pinakamagandang bahagi ng pagiging host ng Karanasan?
Oscar: "Kamangha-mangha ang kaalaman at pagkakalantad sa kultura. Ibinabahagi mo ang iyong kultura sa bawat pagkakataon. Mga propesor pa rin kami sa unibersidad, kaya hinihimok namin ang mga nakababata naming kasamahan na i-host ang Karanasan kasama namin. Ramdam din namin na nakalikha ng mga trabaho ang Airbnb at napabuti nito ang buhay ng iba. Para sa aming Karanasan na "Buhay sa Probinsya", dinadala namin ang aming mga bisita sa probinsya para makilala ang mga kaibigan ng aming pamilya na nabubuhay sa pangingisda at pagtatanim ng prutas at kape. Ngayon, mga tatlong beses sa isang linggo namin dinadala ang mga bisita roon, at naging mga negosyante na rin ang aming mga kaibigan."
May maipapayo ka ba sa ibang host na pinag-iisipang bumuo ng Karanasan?
Patricia: "Nakabase ang lahat sa kung mayroon kang maibabahagi at kung tunay nga bang gusto mong ibahagi ito sa iba."
Oscar: “Dahil ang pagbubukas ng iyong sarili sa mga bisita ang mahalagang bagay na pinag-uusapan dito. Dapat magpakatotoo ka, kung hindi ay hindi ka magiging matagumpay.”
*Batay sa ginawang pananaliksik ng Airbnb sa mahigit 100 host.
Maaaring nagbago na ang impormasyong nakasaad sa artikulong ito mula noong na-publish ito.