Isang bagong paraan para labanan ang diskriminasyon sa Airbnb

Inihahandog ang Project Lighthouse para matukoy, matasa, at mapagtagumpayan ang diskriminasyon.
Ni Airbnb noong Hun 15, 2020
9 na minutong pagbabasa
Na-update noong Dis 13, 2022

Mga Katangi-tanging Feature

  • Makakatulong sa amin ang Project Lighthouse na maunawaan kung kailan at paano nangyayari sa Airbnb ang diskriminasyong batay sa lahi

  • Nakikipagtulungan kami sa mga organisasyong nagsusulong ng mga karapatang sibil para matiyak na ginagawa namin ang mahahalagang hakbang na ito sa maingat na paraan

  • Nakikipagtulungan din kami sa mga nangungunang organisasyong nagsusulong ng privacy para makatulong na masigurong maigagalang ang privacy ng lahat

Maikling mensahe ng editor: Naglabas kami ng bagong update noong Disyembre 2022 na nagdedetalye sa mga paunang natuklasan namin sa Project Lighthouse, kasama ang karagdagang ginagawa namin para makatulong na labanan ang diskriminasyon. Alamin ang mga detalye.

Misyon na namin dati pa na gumawa ng mundo kung saan tanggap ang kahit na sino kahit saan. Labag sa lahat ng pinapaniwalaan namin bilang isang kompanya at bilang isang pandaigdigang komunidad ang rasismo, poot, at diskriminasyon. Mula 2016, nakapag-alis na kami ng 1.3 milyong tao sa Airbnb dahil sa pagtanggi nilang pakitunguhan ang iba nang walang panghuhusga o pagkiling. Gayunpaman, marami pa kaming kailangang gawin.

Isang mahalagang hakbang sa tuloy-tuloy na paglaban namin sa diskriminasyon ang pag-intindi kung kailan at paano ito nangyayari. Kaya naman gusto naming ipakilala sa iyo ang Project Lighthouse, isang makabagong inisyatibo na ilulunsad namin sa United States para matukoy, matasa, at mapagtagumpayan ang diskriminasyon kapag nagbu-book o nagho-host sa Airbnb.

Alam naming posibleng may mga tanong ka tungkol sa Project Lighthouse at kung ano ang ibig sabihin nito para sa iyo. Ginawa namin ang lahat ng makakaya namin para sagutin ang mga iyon dito.

Ano ang proseso ng Project Lighthouse?
Batay sa mga akala ang diskriminasyon. Sa Airbnb, hinihinuha ng mga tao ang lahi batay sa mga bagay na gaya ng pangalan at litrato sa profile. Kasama ang mga organisasyong nagsusulong ng mga karapatang sibil tulad ng Color Of Change at Upturn, magsisimula kami sa pananaliksik para maunawaan kung kailan at saan nangyayari sa platform ang diskriminasyong batay sa lahi at ang bisa ng mga patakarang ipinapatupad para labanan ito.

Paano binuo ng Airbnb ang Project Lighthouse?
Binuo namin ang Project Lighthouse nang may opinyon mula sa mga nangungunang organisasyong nagsusulong ng mga karapatang sibil at privacy, kabilang ang Asian Americans Advancing Justice - AAJC, Center for Democracy & Technology, Color Of Change, The Leadership Conference on Civil & Human Rights, LULAC, NAACP, National Action Network, at Upturn, para masigurong ginagawa namin ang mahalagang gawaing ito sa paraang maingat at nagbibigay-galang sa privacy ng lahat.

Sino ang kwalipikadong makibahagi?
Sa ngayon, available lang ang proyekto sa mga host at bisitang nasa US.

Kailan ilulunsad ang Project Lighthouse?
Nakatakdang magsimula ang pananaliksik sa Setyembre, at magkakaroon ng pagkakataong mag-opt out ang lahat ng host at bisita. Nagbahagi na kami simula noong Hunyo 30 ng mga detalye tungkol sa proseso at kung paano ka makakapag-opt out. Makakatanggap ang lahat ng abiso para mag-opt out, kung pipiliin nilang hindi makibahagi, sa loob ng hindi iikli sa 30 araw bago ang takdang petsa.

Paano gustong gamitin ng Airbnb ang aking impormasyon?
Tinatasa ng proyektong ito ang diskriminasyong batay sa mga akala. Kadalasang ibinabatay ng mga tao sa pangalan at hitsura ng ibang tao ang iniisip nilang lahi ng taong iyon. Kaya naman para malaman ang mga akalang ito, magbabahagi kami ng mga litrato sa profile sa Airbnb kasama ang mga pangalan na nauugnay sa mga ito sa isang partner na hindi bahagi ng Airbnb. Napapailalim ang partner na ito sa mahigpit na kasunduan sa pagiging kompidensyal kaya pinagbabawalan silang ibahagi sa iba ang impormasyong ito.

Susuriin ng partner ang mga litrato at pangalan na ito at isasaad nila ang mga akala nila o kung anong lahi ang iniisip nila batay sa impormasyong ibinahagi namin. Ibabahagi nila ang mga akalang ito sa isang espesyal na team sa Airbnb na nakatuon sa gawaing paglaban sa diskriminasyon. Gayunpaman, bago ito ibahagi, aalisin ang lahat ng impormasyong nag-uugnay sa inaakalang lahi sa isang account, kabilang ang litrato, pangalan, at iba pang detalye na puwedeng magamit para matukoy kung saang Airbnb account iyon nanggaling. Hindi iuugnay ng Airbnb ang inaakalang lahi sa mga partikular na account at hindi ka rin nito ita-target batay sa impormasyong ito.

Gagamitin namin ang mga akala ng aming partner, halimbawa, para matukoy kung tinatanggihan nang mas madalas kumpara sa iba ang mga reserbasyon ng mga taong inaakalang kabilang sa partikular na lahi. Makakatulong ito sa aming gumawa ng mga bagong feature at patakaran para matugunan ang anumang pagkukulang. Nakipagtulungan kami sa mga organisasyong nagsusulong ng mga karapatang sibil at privacy para masigurong gagawin namin ito sa paraang maingat at nagbibigay-galang sa privacy ng lahat.

Gagamit ba ang Airbnb ng algorithm, teknolohiya sa pagkilala ng mukha, o machine learning?
Hindi. Naniniwala kaming ang paggamit sa mga akala ng tao at hindi sa machine learning ang pinakamainam na paraan para matukoy ang impormasyon tungkol sa inaakalang lahi. Kailangan ng maingat na pagsasaalang-alang at opinyon mula sa mga organisasyong nagsusulong ng mga karapatang sibil at privacy, bukod sa iba pa, ang paggamit ng mga algorithm, teknolohiya sa pagkilala ng mukha, o machine learning para sa napakasensitibong bagay na gaya ng lahi. Kung maisip naming gamitin ang mga iyon, hihingin namin ang patnubay at suporta ng mga nabanggit na organisasyon at aabisuhan ka namin tungkol dito.

Hindi lumalabas ang mga litrato sa profile hangga't hindi nakukumpirma ang booking. Bakit ninyo pinaplanong gamitin sa pananaliksik ang mga litrato sa profile?
Bagama't inaalis ang mga litrato sa profile sa simula ng proseso ng pagbu-book, gusto naming maunawaan kung paano posibleng makaapekto ang mga litrato sa profile sa iba pang aspekto ng mga pakikipag-ugnayan ng mga user sa platform kaugnay ng mga bagay na gaya ng mga pagkansela o review.

Paano igagalang ng Airbnb ang privacy ko?
Bago namin suriin ang impormasyon tungkol sa inaakalang lahi, ihihiwalay sa iyong profile ang lahat ng impormasyon. Ibig sabihin, hindi iyon mauugnay sa anumang partikular na Airbnb account. Hindi namin gagamitin ang impormasyong ito para baguhin ang karanasan ng sinuman bilang host o bisita sa Airbnb, o sa anumang marketing o pag-advertise. Gagamitin lang namin ito para sa gawaing paglaban sa diskriminasyon. Susuriin namin ang mga pattern sa mas malawak na antas.

Bakit inaanunsyo ngayon ng Airbnb ang Project Lighthouse?
Halos dalawang taon naming binuo ang proyektong ito at pinlano naming ilunsad ang inisyatibong ito sa huling bahagi ng 2020. Gayunpaman, dahil sa mga pangyayari kamakailan sa US, napagpasyahan naming kailangan naming kumilos nang mas mabilis. Bagama't iniimbestigahan na ng Airbnb ang mga partikular na diskriminasyong nararanasan at iniuulat ng mga user, wala kaming paraan sa kasalukuyan para matasa ang mas malalaking trend at pattern na nauugnay sa diskriminasyon na posibleng nangyayari sa Airbnb. Posibleng sintomas ng mas malaking problema sa sistema ang mga partikular na diskriminasyong nararanasan ng mga user, at gusto naming labanan iyon sa parehong antas.

Ano ang mangyayari kung may matuklasan ang Airbnb na kawalan ng pagkakapantay-pantay?
Bahagi ang Project Lighthouse ng patuloy na pagsisikap namin para pigilan at tugunan ang diskriminasyon sa Airbnb. Gagamitin ang anumang pananaw para makatulong sa pagbuo ng mga bagong feature at patakaran na magbibigay ng mas patas na karanasan sa platform at magsasakatuparan sa matagal na naming misyon na gumawa ng mundo kung saan mas tanggap ang lahat.

May iba pang uri ng diskriminasyon. Bakit nakatuon sa lahi ang Airbnb?
Nilalabanan namin ang lahat ng uri ng diskriminasyon, hindi lang ang diskriminasyong batay sa lahi at hindi lang ang diskriminasyong laban sa isang partikular na komunidad. Nagsisikap kaming labanan ang diskriminasyong batay sa lahi, kulay ng balat, bansang pinagmulan, edad, biyolohikal na kasarian, kinikilalang kasarian, relihiyon, seksuwal na oryentasyon, kapansanan, at katayuan ng pamilya. Lahat ng ito ay mga isyung nakakaapekto sa mga host at bisita sa iba't ibang panig ng mundo. Isang bahagi ito ng mas malaking laban.

Paano ako makakapag-opt out sa Project Lighthouse?
Puwede mong baguhin anumang oras ang iyong mga preperensiya sa pag-opt out sa mga setting ng privacy at pagbabahagi mo. Kung mag-o-opt out ka, hindi na kokolektahin mula sa sandaling iyon ang iyong impormasyon para sa Project Lighthouse. Gayunpaman, tandaang kapag pumayag kang isama ang iyong impormasyon sa gawaing ito, tinutulungan mo kaming gumawa ng bagong pamantayan para matuklasan, matasa, at malabanan ang diskriminasyon sa Airbnb. Bago namin suriin ang impormasyon tungkol sa inaakalang lahi, ihihiwalay sa iyong profile ang lahat ng impormasyon. Ibig sabihin, hindi ito mauugnay sa iyong partikular na Airbnb account.

Ano ang ginagawa ng Airbnb para tulungan ang ibang kompanya na labanan ang diskriminasyon?
Napakalaki ng responsibilidad ng mga kompanya ng teknolohiya na magbigay ng karanasang patas para sa lahat. Gusto naming makatulong din ang Project Lighthouse sa labas ng Airbnb kaya naman ibabahagi namin ang pamamaraan sa likod nito sa isang technical paper na magiging available para sa lahat. Umaasa kaming magagamit ng ibang kompaya ang technical paper bilang blueprint at na maaari itong maging batayan para sa higit pang pagbabago na masusing nagtatasa ng diskriminasyon habang sinisiguro ang privacy ng user.

Ano na ang ginawa ng Airbnb para tugunan ang diskriminasyon?
Sa mga nakalipas na taon, gumawa kami ng ilang pagbabago sa Airbnb para makatulong na labanan ang diskriminasyon, kabilang ang:

  • Ang aming patakarang laban sa diskriminasyon: Dapat tanggapin ng lahat ng gumagamit ng Airbnb ang aming Pangako sa Komunidad at patakarang laban sa diskriminasyon. Kung nakaranas ka ng diskriminasyon, iimbestigahan namin ang isyu, kikilos kami, at kung kinakailangan, tutulungan ka naming makahanap ng ibang lugar na matutuluyan.
  • Mga proteksyon para sa litrato sa profile: May pagkiling tayong lahat. Gayunpaman, marami pang magagawa ang mga kompanyang tulad ng Airbnb para bumuo ng mga tool na makakatulong na mapigilan ang mga tao na magkaroon ng pagkiling kapag nagpapasya. Ito ang dahilan kung bakit hindi lumalabas sa mga host ang mga litrato sa profile ng mga bisita hangga't hindi nakukumpirma ang booking. Sinusuportahan nito ang walang kinikilingang pagdedesisyon ng mga host.
  • Mga walang kinikilingang booking: Sa Madaliang Pag-book, puwedeng ma-book kaagad ang listing kaya mas madali ang proseso para sa mga host at nasisigurong walang kinikilingan ang proseso para sa mga bisita. Milyon-milyong listing ang puwedeng ma-book sa ganitong paraan, at marami pang patuloy na nadaragdag.
  • Nakatalagang team laban sa diskriminasyon: May espesyal na team ang Airbnb na nakatalagang gumawa ng mga pagbabago sa platform na makakatulong sa pagpigil at pagtugon sa diskriminasyon, kabilang ang pagbuo ng mga inisyatibo na tulad ng Project Lighthouse at mga proteksyon para sa litrato sa profile.

Hindi mawawakasan ng Project Lighthouse ang diskriminasyon sa platform pero mahalagang hakbang ito na makakatulong sa aming matukoy ang diskriminasyong maaaring hindi mapapansin kung wala ito. At isa lang ito sa maraming inisyatibo na ginagawa namin para matiyak na mas patas ang karanasan sa Airbnb para sa lahat.

Salamat sa pagiging miyembro ng aming komunidad at sa pakikipagtulungan mo sa amin na gumawa ng mundo kung saan tanggap ang kahit na sino, kahit saan.

Posibleng nagbago ang impormasyong nakasaad sa artikulong ito mula noong na-publish ito.

Mga Katangi-tanging Feature

  • Makakatulong sa amin ang Project Lighthouse na maunawaan kung kailan at paano nangyayari sa Airbnb ang diskriminasyong batay sa lahi

  • Nakikipagtulungan kami sa mga organisasyong nagsusulong ng mga karapatang sibil para matiyak na ginagawa namin ang mahahalagang hakbang na ito sa maingat na paraan

  • Nakikipagtulungan din kami sa mga nangungunang organisasyong nagsusulong ng privacy para makatulong na masigurong maigagalang ang privacy ng lahat

Airbnb
Hun 15, 2020
Nakatulong ba ito?